Gaya ng iba sa inyo, nabiktima rin ako sa FB reviews. 12 yrs na ako nagpaparebond pero ngayon ko lang naexperience yung maluto ang buhok. Kaloooka! Sa cut & fix salon tayuman pritil branch ako nagpunta kasi yun ang malapit sa amin. Natry ko naman na before sa bench fix kaso hindi ako happy sa outcome, at feeling ko mas hiyang pa hair ko sa mga salons sa tabi tabi. Pero eto na nga, nangyari ang hindi ko inakala, grrr!
Pagdating ko doon, nirecommend agad ang brazilian. Feeling ko tinatamad mag plantsa ng buhok ang bading kaya ganon sabay tinaasan ang presyo compared dun sa nakalagay sa tarp nila. Sa akin naman ok lang kahit dagdagan nya presyo basta maganda kalabasan kaya gumora ako. Nung pinaupo nya na ako, meron palang isa pang customer na nauna sa akin, shinampoo na sya. Ang pinagawa ko ay egyptian rebond + hair color. Unang nilagay ang color. Mega kwento yung bading kahit sa ibang mga nagpapa pedicure dun na kesyo dati sya nagwowork sa may city of dreams, etc etc. Ako naman sa isip ko, "wow mukhang magaling nga ito. ayos tong napuntahan ko" Nasa salon ako ng 11:30am. Inapply agad yung hair color kasi kakaligo ko lang naman at di ako nag conditioner. After mga 2 hours, binanlawan na yung buhok ko. Ok naman ako sa color kasi pantay kahit hindi naman sakto outcome sa pinili kong color. Sige ok lang, mabait naman ako. Pero nagtaka ako bakit inuna yung color, sa mga previous color rebonds ko nauna yung rebonding cream. Hindi ako nagsalita kasi ayaw ko mag marunong. I was hoping iba ang technique nya. Si bading palipat lipat sa aming dalawa nung isa pang customer. Mga 3pm na nung nilagyan ako ng gamot pang rebond tapos after 45 mins binanlawan na. Eto na binoblower na ng assistant yung buhok ko. Napansin ko yung isang section na bandang babang part sobrang dry tapos kinky! Nagmukhang wig ng santo yung buhok ko. Sabi ko bakit ganon, ang tagal ko na kako nagpapa rebond pero never naging ganon buhok ko. Meron ako rebond before na hindi pulido ang gawa but still maayos pa rin naman. Sabi ni bakla may second round pa ng gamot. Tinuloy pa yung pag blower at OMG talaga, for the first time gusto ko manakit ng kapwa!

Yung buhok ko parang walis! Sobrang taas na ng boses ko, sabi ko "bakit ganyan?!! ano to, kukulutin nyo muna bago nyo unatin?!!" Sagot nya, "maam ganyan din yung kanya (habang nakaturo sa isang customer)" Sabi ko "eh hindi ba ganyan na talaga yung buhok nya?!". Kitang kita ko sa mga mukha ng mga bakla dun na pumalpak sila. Sabi ko sige tignan natin ha kung makukuha ng second na gamot to! Tinext ko asawa ko, pinapunta ko doon para may back up ako kung sakaling magkagulo, LOL! Kasi wala silang salamin sa likod so hindi ko makita yung sa likod ko kung ano na itsura. Pagdating ng asawa ko sinigawan sila. Bakit daw nagkanon buhok ko, natural straight naman hair ko, medyo makapal lang saka buhaghag pero hindi dry. Sumagot yung parang OIC nila ng "sir, may pangalawang gamot pa po kasi". Eh sinagot sya ng asawa ko ng "Hwag nyo ko gawing t@ng@! Alam ko itsura ng maayos sa hindi". Sagot pa rin yung bading na "eh sir hindi naman kayo stylist". Pilit nilang sinasabi na maaayos ng pangalawang gamot na tawag nila "R2" pero inabot na kami ng past 9pm sa salon, pinlantsa na nila pero alam ko sira na talaga buhok ko. Pag hinawakan mo pababa, maiipit yung daliri mo sa kunat nya. Sabi ko kay bading, pag binanlawan ko to after 3 days dapat hindi to ganito ha. Aba, nagmatapang ang bruha. Sinagot ako ng "gusto mo maam dito natin banlawan" Eh palaban ako, sabi ko "sige!". Friday daw sabi nya kasi rest day nya Thursday (Monday ako nagpa rebond) edi OK naman ako. Humirit pa, anong oras daw ako pwede ng Friday.. aba syempre sabi ko "buong araw pwede ako!"
Bumalik ako ng Friday kasi sa kasamaang palad, hindi talaga umayos ang buhok ko. Sa tagal ko nagpaparebond, this one is the WORST! Binanlawan ni bading yung hair ko tapos sabi nya itreatment nalang daw nya. Tinanong ko anong treatment ang gagawin pero hindi clear ang sagot nya, sabi lang nya hindi ko naman daw babayaran. Sige, kalmado pa rin ako kahit inis na ako. Pero feeling ko brazilian ginawa nya kasi masakit sa mata yung gamot at panay blower sya, di sya nakuntento pinlantsa nya uli buhok ko. Syempre paglabas ng salon maganda pero paggising ko sa umaga, eto na ang reality.
