Matagal na ako nagbabasa sa forum na to. Pero ngayon lang ako magpopost kasi tagos sa akin ang topic. Well di ko naman hate ang Mama ko. Pero masama ang loob ko sa kanya, mula pa nung bata ako.
Maaga namatay si Papa, only child ako. Mula 11 years old kami lang ni Mama magkasama. Di sya malambing. Palautos pa nga eh, tapos tipong wala ka karapatan humindi sa utos nya. Pagbunot ng buhok sa kilikili, bunot ng puting buhok, paglilinis ng mukha nya sa gabi (cleanser, toner, moisturizer, the works, ako gumagawa) - tamad kasi siya, kaya madalas utos sa akin. Kahit pagod or antok ako, basta utos na nya, kelangan sundin. Ewan ko, takot siguro ako na magalit sya.
grade six ako, bigla sya nagtanong kung may crush ako. Natuwa ako kasi parang me girl talk na kami. Bonding!

So sinabi ko sino. Sabi nya "anak, hanap ka na lang ng iba. Gwapo yun e, e di ka naman maganda, di ka magugustuhan nun." With matching tawa pa kasi mataas daw standards ko, talagang gwapo pinili ko. Napahiya ako. at mula noon, naging insecure na ako lalo na sa opposite sex. Lagi nakatatak sa akin na yung Mama ko nga sinabi na mismo na pangit ako, pano pa kaya ang tingin ng iba sa akin? Dala-dala ko yun hanggang paglaki. Pag me nagko-compliment sa akin, lagi ko pinagdududahan ang intensyon. Lagi ko naiisip na binobola lang ako. Aminado naman ako na di ko namana ang ganda ng Mama ko, pero masakit pa din marinig yun sa mismong Mama ko pa.
Achiever ako academically, siguro dala na rin na insecure ako sa looks ko, binabawi ko sa utak. Medyo popular din sa school kasi marunong naman ako makisama at madami din extra-curricular activities Na sinasalihan. Wala akong nakaaway kahit minsan kasi nga naisip ko, pangit na nga ako, dapat hindi pangit ang ugali ko para naman me pangbalanse.

Nag-college ako sa Maynila. Lalo nadagdagan hinanakit ko. Never na sya ang nauna tumawag sa akin para mangumusta, kahit 1st yr college pa lang ako. Sinubukan ko talaga wag tumawag ng one week, kung hahanapin ako, sadly, hindi ako hinanap. Nung finally tumawag ako, di man lang ako tinanong kung ano nangyari, kung bakit matagal ako di nakatawag. Actually, kahit yung regular na tawag ko, di rin talaga sya masyado nagtatanong kung kumusta ako. General lang, pumapasa ba ako, me pera pa ba, kelan ang exam/sembreak. Small talk.
Isa pang kinasama ng loob ko, mas naniniwala sya sa mga pinsan ko kesa sa akin. Me pinsan ako mahilig gumawa ng kwento, dati pa yun na reputasyon nun. Nagsumbong sa tita ko na tinarayan at tinaasan ko daw sya ng boses sa phone. Nagkataon, me mini-reunion nung coming weekend, ayun, sa harap ng mga tita at ibang pinsan, sinabi ni Mama bakit ko daw inaway ang pinsan ko. Yumabang na daw ako kesyo nakapag-aral lang sa maynila. At ever since walang modo daw ako. Nagulat ako, sabi ko wala akong maalalang ganung incident. Oo once, tumawag ako sa landline nila, si pinsan nakasagot, hinanap ko lang tita ko, e umalis daw so nag babay na ako, sabi ko pa "ah ok. sige, salamat *pinsan*, ipi-page ko na lang din si tita". Pero tuloy pa rin sya sa dakdak. Ayaw makinig sa akin, mayabang daw talaga ako porke di matalino yung pinsan ko, minamaliit ko. Sumagot na ako: "iharap nyo sa akin ngayon si *pinsan* at sabihin nya sa harapan ko kung ano ang nangyari. Magharap na kami dito ngayon para magkaalaman na kung sino nagsisinungaling". Yung tita ko, tinawag ang anak nya, aba nagkandautal-utal na pinsan ko sa pagrecall ng kwento nya. Until finally nagwalkout si pinsan, wag na daw palakihin ang issue. Sakto, andun din sa gathering isang pinsan (older girl cousin) na kasama ko nung tumawag ako sa tita ko, so narinig nya conversation namin (well, at least rinig nya yung side ko). Nagsalita na sya, sabi nya di nya narinig na nagtaray ako or nangmata dun sa isang pinsan namin. Sabi nya malamang gawa-gawang kwento na naman yung ni pinsan, just like all the other issues na inimbento nya before. Masama loob ko kasi never man lang ako kinausap ng Mama ko about it, ni di nya tinanong ang side ko, at ni hindi sya nag-apologize sa pagpahiya nya sa akin para sa isang bagay na di ko naman ginawa. Buti pa tita ko, nagsorrry sa ginawa ng anak niya at nagsorry kasi nagsumbong sya agad sa nanay ko. Di daw nya inexpect na ipapahiya ako ng Mama ko. Naiyak na lang ako nun, naawa ako sa sarili ko.
Over the years, di talaga kami naging close na. Kahit nung kinasal ako, Kahit ngayon na me anak na ako. Parang for show na lang ang mother-daughter relationship namin. In fact, nadagdagan pa sama ng loob ko. Retired na kasi sya, so sabi ko baka gusto nya magbakasyon dito kahit sandali lang (1week, 1month, sya bahala). Para makasama naman nya apo nya, lumalaki kasi na minsan isang taon nya lang makita. Ako gagastos ng pamasahe syempre. Madaming dahilan, kesyo me inaasikaso doon sa probinsya, boring sa maynila kasi pag weekend lang sya makakalabas, kesyo gagawin ko lang syang yaya ng anak ko, etc. tapos nalalaman ko, naga-out of town sila ng mga kumare nyang retirees din, minsan twice a month ang byahe. Pag umuuwi naman kami sa probinsya, sa isang linggo na andun kami, 3 days lang siguro sya nasa bahay. kadalasan nasa labas, me lakad kasama mga kaibigan, ibinibilin na lang kami sa katulong nya. kaya parang nakakawalang-gana din umuwi kasi parang feeling ko di naman kami welcome. me yaya ang anak ko, di ko sya kelangan para mag-alaga sa anak ko, gusto ko lang sana na magkakilanlan naman sila ng apo nya. Di ko rin iniexpect na tumulong sya sa bahay kasi alam ko naman na tamad sya at sanay syang nag-uutos lang lagi - sa katulong or sa akin. Iniyak ko na lang sa asawa ko ang sama ng loob ko.
Ni di nga yun tumatawag para mangumusta. Nagtitext lang pag birthday namin (ako, asawa at anak ko) - isang text lang. Generic "happy birthday xxx". Or magtitext lang pag hihingi pera (yung anak ni kumare, sasali sa ganito, naghahanap ng sponsors, gusto ko magbigay, padala ka xxxxx). Or pag may namatay (yung xxx ni xxx namatay kanina, kawawa naman, magbibigay ako abuloy, padala ka xxxxx). Pag di agad na-replyan or napadalhan, magagalit. di muna magtanong bakit. Sya actually ang me kayabangan, lagi nya pinapakita sa mga amiga nya na madami sya pera. Generous sya (sa pera at time) sa ibang tao, pero sa amin, never man lang nag-abot kahit para sa apo man lang.
Pasensya na mga sis napahaba tong nobela ko. Kelangan ko lang talaga mailabas. Sinubukan ko naman sya kausapin tungkol sa mga sama ng loob ko sa kanya, pero everytime maoopen ko yung topic, sasabihin nya "anong ikasasama ng loob mo. Binuhay kita, pinaaral kita (allowance lang actually kasi naghanap ako ng scholarship), kahit mag-isa lang ako mula namatay Papa mo. Wag mo ako daanin sa talino mo, yung mga big words na yan. Anak lang kita. Wag mo ko daanin sa drama.".
Ngayon, sobrang naa-appreciate ko MIL ko, kahit si hubby ang naiinis kasi minsan pakialamera na din hehe. Pero ok lang sa akin at least ramdam ko yung concern nya. Kahit nung bedrest ako sa pagbubuntis ko si MIL nagalaga sa akin. Tinext ko mama ko na bedrest ako, kasi high-risk preg, reply lang - "ah ganun ba, sige magrest ka na lang jan, kung yun ang sabi ng doctor". Tinext ko nung nanganak ako, sabi lang nya "congrats, bisita na lang kayo dito". Parang kay MIL ko naramdaman ang alaga talaga ng isang nanay.