SHOW MY Ni Salve Asis (Pilipino Star Ngayon) | Updated February 6, 2013 - 12:00am
Last episode na ng Sarah G. Live sa darating na Linggo. Mismong si Mr. Vic del Rosario, manager ni Sarah ang nagkumpirma ng balita. “Kasi pag sinagad pa, baka magsawa na ang tao,” paliwanag ng henyo pagdating sa pag-aalaga ng mga artista.
“Kaya mas ok na habang mataas ang rating niya, iba naman ang gawin niya,” dagdag nito kahapon nang makatsikahan ko sa telepono.
At nasa plano talaga na tapusin na ito. “Wala nang dapat patunayan si Sarah sa pagkanta. Mas kailangan niyang umarte, kailangang makilala rin siyang aktres,” sabi pa ni Boss Vic.
Isang drama anthology ang papalit na pagbibidahan ng Pop Princess. Thirteen weeks tatagal ang drama anthology kung saan iba-iba ang makaka-partner niya. “Lalabas dito ang acting ni Sarah. Iba-iba ang concept,” dagdag ni Boss Vic.
“Baka makalimutan na ng tao na artista rin siya. Kailangan na siyang makitang umaarte na hindi nagpapa-cute, talagang drama,” dagdag pa ng boss ng Viva Group of Companies nang makatsika ko sa telepono kahapon.
Pero three weeks muna siyang (Sarah) mamahinga bago tuluyang sumabak sa drama anthology. Kaya middle of March na uli mapapanood si Sarah.
Bukod sa 13 weeks drama anthology, magiging mentor din siya (Sarah) sa local version ng The Voice imporma ni Boss Vic. Pero ayaw i-reveal ng manager kung sino ang mga makakasama nitong mentor sa prog*rama na ang magiging host ay sina Toni Gonzaga at Robi Domingo.
After ng drama anthology and The Voice, gagawa na rin si Sarah ng soap opera – romance-comedy – na ayaw pa ring pangalanan ni Boss Vic kung sino ang makaka-partner.
“Marami siyang gagawin sa TV. Punung-puno siya this year. Kasi ‘di ba last year puro concert at album lang ang kanyang ginawa. Kaya this year, marami siyang gagawin na aarte siya,” dagdag ng bossing ng Viva Films.
After din ng It Takes A Man and A Woman, ang third movie nila ni John Lloyd Cruz na showing na sa Sabado de Gloria (March 30), may gagawin pa raw ang alaga niya na pelikula hindi na pa-cute cute. “Malamang horror,” maiksing sagot nito.
Pahabol na tanong. Babalik ba siya sa ASAP?
“Baka hindi na muna.”
Umabot din ng halos isang taon ang Sarah G. Live at base sa ratings ng Kantar Media, isa ang programa sa mga nangunguna at sinusubaybayan tuwing Linggo.
Ibinalita rin nga pala niya na naghahanda rin ang kanyang alaga para sa isang malaking concert para sa celebration ng kanyang 10th anniversary sa showbiz.
http://www.philstar.com/psn-showbiz/2013/02/06/905330/gagawing-totoong-aktres-sarah-g.-live-papalitan-na-ng-drama-anthology