Pardon me but this would be long....
It was March 1997. Malapit na ang sixth grade graduation ko. Done na yung damit na susuutin ng Mom ko. Sasabitan pa naman ako ng ribbon. Napansin ko lately, hirap maglakad ang Mom ko. Yung first graduation practice namin, I had an excuse letter for the teachers kasi sasamahan ko si Mommy magpa-MRI sa St. Luke’s QC. Isa pa lang ang St. Luke’s that time. Sabi kasi nila, slipped disc daw ang sakit. Ako naman, okay lang. Sinamahan ko siya.
Siguro mga a week after, nagtataka ako bakit kakaiba ang atmosphere sa bahay. Madalas mapula ang mata ng Daddy ko. Nagpatawag pa sila ng pari. Sabi ko, weird. Hindi ako close sa Mom ko that time. Lagi kasing kapag nasa bahay siya, sinusungitan ako, pinapagalitan ako. Mas malambing sa anak ang Dad ko. I was 12, my little brother was just seven. Once, nakausap ko Mom ko. Sabi, “Yung sakit ng Lola mo, yun ang sakit ko.” I was like OMG! Cancer yun! I know it was hard for them to deal with Lola’s illness then kahit na may kanya-kanya na silang buhay na magkakapatid. Pero I was just 12, my brother was 7, my parents were only 39. Cancer. Aruy. Nagkulong ako sa kwarto. Hindi nga kasi ako close sa nanay ko. Hindi ko kayang umiyak sa harap niya, yumakap, etc. Wala pang landline sa amin that time. Kinuha ko yung cellphone na parang pagkudkod ng yelo at tumawag sa homeroom adviser ko. Kakagaling ko lang kasi ng recollection namin.
Kinabukasan, mapula na rin ang mata ko gaya ng Dad ko. Pagdating sa school hindi ko alam ang gagawin ko, kung sino kakausapin ko. The only comfort I had was isasama sa mass intention ang paggaling niya. But no words could comfort me. Pumunta ako ng faculty room but even the teachers wouldn’t know what to say sa isang 12-year-old who was about to lose her mom. Iyak ako nang iyak kasi that same schoolyear, a classmate of mine lost her Dad. Ganun kabilis. Una absent lang siya nang absent. She came back to school and then biglang naghalfday, only to find out that her Dad passed away. Being a Daddy’s girl, it was one big fear for me but I never imagined it would happen to my family so soon, except that it was my Mom.
Dumating ang graduation day. It was my aunt who pinned the ribbon. Mom was already admitted sa hospital. Kumain lang kami ng Dad ko, ng lolo ko at aunt ko sa labas after the ceremonies tapos ayun, the agony remains. March 22 ang graduation ko. March 24 biopsy operation niya. As per MRI, it was a 5-kg mass na hindi naming napansin papaano lumaki kasi nagmula siya sa loob ng spinal column and then lumabas dun sa vacant area between the internal organs hanggang sa umabot sa right leg niya. Kaya pala siya bigat na bigat. Para siyang may baby na dala sa hita niya. Anim na oras kaming nagvivigil sa labas ng operating room ng Cardinal Santos. That time, may pera pa ang family naming. Both Mom and Dad were doing well in their careers.
As a young child of 12, I didn’t know what to bargain – paano ako makikiusap sa kalangitan na huwag muna kunin si Mommy? 12 lang ako, seven lang kapatid ko. Masyado pa kaming bata para iwan. Paghuhugas lang ng plato at paglilinis ng bahay ang alam ko. Anong alam ko hati-hatiin ang pera na kinikita ng tatay ko, ang mga recipe ng nanay ko, ang schedule ng laba, plantsa, pasweldo sa mga katulong pati monthly maintenance ng mga kotse? Ibinilin na raw ako sa mga tiyahin ko kasi hindi kayang magpalaki ng anak ng babae ng tatay ko.
Sabi ng mga doctor, she only has 30% chance of living. Kapag nabuhay daw siya, para nang nanalo sa lotto si Daddy.
Lumabas ang resulta ng biopsy – malignant non-hodgskins lymphoma. Hindi ko yan naiintindihan. Basta ang sabi sa amin, pwede siya gumaling. Chemotherapy at radiation treatment ang kailangan. Around midsummer, umuwi si Mommy. Hindi siya nakakalakad. Hindi raw nakakaramdam waist down. Alam ko pumasok siya sa ospital, walking pa eh. Umasa kami na makakalakad pa siya ulit kapag matapos yung chemo sessions. Never na siya nakalakad….
Para kaming panatiko na sinundan kahit saan magpunta noon si Fr. Corsie Legaspi. Dala ng panyo, minsan dala pa mismo si Mommy. Kahit lapitan siya at hawakan ni Fr. Corsie, hindi siya makalakad.
Lumala lahat – nagkabedsore siya. Three years siya nakacatheter kasi mabigat para sa kanya pumunta ng CR. Naka-Colostomy bag na rin siya at dun siya dumudumi. May mga times na bigla siyang maninilaw, lalagnatin, giginawin, mangangatog. Ako pa naglilinis noon ng bedsores niya – it was so bad I wouldn’t describe the big wound here. It’s gross to describe it.
Natapos ang six sessions ng chemotherapy – hindi pa rin siya nakakalakad. Hindi ko alam magkano na lang natitira sa family namin. Dahil sa tagal ng biyahe mula San Mateo papuntang Makati Medical Center, nakaconfine na lang siya dun for two months para sa sessions niya ng radiation treatment. Ayoko na ring isipin yung time noon na hindi kami magkasama ng bahay ng kapatid ko. Gabi na rin nakakauwi galling sa work ang Daddy ko kasi nag-oovertime para may pampagamot. Ako nakatira sa Lola ko, nag-aalaga sa Mommy ko. Yung kapatid ko, nasa bahay namin, kasama ang yaya, binabantayan ng Lolo ko hanggang sa makarating ng bahay si Daddy kagabi.
It was such a sad phase. Nakikita ko siyang makalbo. Hindi kami sama-sama sa isang bahay, etc. Naging teenager ako – at tuwing papagalitan ako ng Daddy ko, bigla niyang maiisip yung better days ng family namin. Kapag nadadaanan niya yung mga lugar kung saan kami dati namamasyal, naiiyak siya. Sino ba namang mag-aakala na magkakaganito ang buhay namin diba?
Natapos ang radiation therapy. Hindi pa rin siya nakakalakad. Nagdalaga ako – mas lalo kaming hindi nagkaunawaan ni Mommy. Pero at least, sama-sama na kami ulit sa bahay naming. Pinagbigyan ng mga Lola ko na makauwi si Mommy sa bahay namin para sama-sama kaming pamilya. Grandparents ko ang nag-eeffort na pumunta sa amin para matulungan kami. Sa araw ang Lolo ko. Sa gabi, sa kwarto ko natutulog ang Lola ko. Sabi nga ng mga kapitbahay, ang laki ng itinanda ng itsura ni Daddy.
Bilin ng matatanda, hindi ko alam kung hanggang kalian na lang si Mommy kaya raw magpakabait ako.
Walang napuntahan ni isang graduation sa mga anak niya si Mommy. Ilang beses rin nangyari yun false alarm na akala naming mamamatay na siya – pinatawag na lahat, nakapaligid sa kama. Pero sabi ni mommy, masamang damo raw siya. Hindi maapprove ang visa pa-heaven…
Fast forward to today. I’m now turning 32. Hindi pa rin nakakalakad si Mommy. Licensed ECE na ako, licensed Physical Therapist naman ang kapatid ko. Married na ako.
Nauna pang kinuha ni Lord ang grandparents ko kaysa sa Mommy ko. Sabi nga ng Tita ko habang nakaburol ang Lola ko habang nakaturo sa asawa ko, “Manugang yan ni Cherrie. Akalain mo bang abutan pa niyan ang manugang niya eh ni hindi ko alam kung maiuuwi ko ng buhay noon?!” And yes, busy na sa nag-iisang apo ang Mommy ko – busy sa baby boy ko.
Hindi man sinagot ang dasal na makalakad pa siya ulit, I know in my heart na yung sabi ng mga doctor na kapag nabuhay si Mommy eh para na kaming nanalo sa lotto eh muka ngang nanalo kami. Okay na rin relationship namin ng Mom ko.
I pray that she has more years to celebrate life. Sa March 24, 2017, she’ll be celebrating 20 years of cancer survival. Praise God!
Sabi nga sa healing prayer sa booklet ni Fr. Corsie, “When after all has been said and done, may her life be so many songs of praise to Your Name.”